Ang Sosyal Network sa Pagpapayaman ng Bokabularyo at Kasanayang Komunikatibo ng mga Mag-Aaral
Author : Charmaine R Ramos
Abstract :
Ang pag-aaral na ito ay naglayong suriin ang kontribusyon ng sosyal networking platforms sa pagpapayaman ng bokabularyo at pag-unlad ng kasanayang komunikatibo ng mga mag-aaral sa tatlong aspeto: kognitibo, apektibo, at sosyal. Ginamit ang teoretikal na batayan ng pag-aaral ang Cognitive-Affective-Social Theory of Learning in Digital Environments nina Schneider et al. (2021), ginamit ang kwantitatibong pamamaraan ng pananaliksik na may cross-sectional survey. Ang huling bahagi naman ay gumamit ng kwalitatibong pamamaraan sa pamamagitan ng focus group discussion.
Ang kwantitatibong yugto ay isinagawa gamit ang talatanungan na sumailalim sa pilot testing na nagresulta sa reliability coefficient na 0.94, habang ang kwalitatibong yugto ay isinagawa sa pamamagitan ng focus group discussions. Ang mga respondante ng pag-aaral ay 223 mag-aaral sa baitang 7 mula sa tatlong paaralan sa Jaen, Nueva Ecija, kasama ang 24 mag-aaral para sa kwalitatibong bahagi.
Batay sa resulta, mas maraming babae ang gumagamit ng sosyal midya, partikular na ang Facebook, na siyang pinakaginagamit na plataporma. Karaniwang naglalaan ang mga mag-aaral ng isa hanggang dalawang oras bawat araw para sa online na pakikipag-ugnayan at pag-aaral. Gayunpaman, lumitaw na hindi ang tagal ng paggamit kundi ang kalidad ng nilalamang tinitingnan ang mas mahalagang salik sa pagpapayaman ng bokabularyo.
Sa kognitibong aspeto, natuklasang nakatutulong ang sosyal midya sa mas malalim na pag-unawa ng aralin, pagsusuri ng impormasyon, at pagbibigay ng opinyon. Sa apektibong aspeto, tumataas ang kumpiyansa ng mga mag-aaral sa pagpapahayag ng sarili at pagpapakita ng respeto sa iba. Sa sosyal na aspeto, nagiging mas aktibo sila sa pakikilahok at pakikisalamuha.
Bilang tugon sa natuklasang datos, binuo ang isang balangkas sa pagpapalawak ng bokabularyo at kasanayang komunikatibo ng mga mag-aaral. Naglalaman ito ng mga hakbang na nakapokus sa input, proseso, at awtput, na naglalayong gawing mas makabuluhan at epektibo ang paggamit ng sosyal midya bilang kasangkapan sa pagkatuto ng wika.
Keywords :
Sosyal networking, bokabularyo, kasanayang komunikatibo, kognitib, apektib, at sosyal.